5 CAFGU kabilang sa nasawi sa landslide sa Mt. Province

0
60

Limang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) ang kabilang sa mga nasawi sa nangyaring landslide sa Barangay Banawel, Natonin, Mountain Province sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Rosita.

Ito ang kinumpirma mismo ng 5th Infantry Division ng Philippine Army kung saan tatlo sa mga ito ang kabilang sa walong nakuhang bangkay sa landslide area.

Kinilala ang mga ito na sina Loebel Orchilion, Linang Pallichang at Jonathan Ngilin.

Habang dalawang hindi pa pinapangalanang kasamahan ng mga ito patuloy pang pinaghahanap.

Ayon kay 5th Infantry Division Spokesperson Captain Jefferson Somera, nakatalaga ang lima sa Ubao Patrol Base sa Barangay Ubao Aguinaldo, Ifugao sa ilalim ng 77th Infantry Battalion-Alfa Company.

Gayunman sinabi ng commanding officer ng 77th Infantry Battalion na si Lt. Col. Rember Baylosis, naka-leave ang lima at pansamantalang nagtatrabaho sa proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para magkaroon ng karagdagang kita.