Limang bata ang nailigtas ng pulisya mula sa isang di umano’y cybersex den sa Iligan City.
Sinalakay ng PNP Iligan kasama ng mga volunteers mula sa isang non-government organization o NGO ang isang cybersex den sa Barangay Tubod kung saan naaresto nila ang suspek na nakilalang si Jenelyn Delostrico.
Ayon sa pulisya, kinukunan ni Delostrico ng hubot hubad na larawan ang mga bata ay ibinebenta sa mga dayuhang kliyente sa Facebook.
Kabilang sa mga na-rescue na mga bata ang anak mismo ni Delostrico at isang dalawang taong gulang na bata.
Sinasabing inuutusan ni Delostrico ang kanyang anak na mag-imbita ng mga bata para maglaro sa kanilang tahanan.
Samantala, nailigtas naman ng pulisya ang labing limang (15) babae na kinabibilangan ng limang menor de edad mula sa mga bugaw sa isang KTV bar sa Cainta, Rizal.
Sa isang entrapment operations, naaresto ng PNP Women and Children Protection Center ang suspects na sina Jun Espiritu at Yvonne Mahinay matapos tumanggap ng siyam na libong piso (P9,000) mula sa isang pulis na nagpanggap na customer.
Ayon kay Chief Supt. William Macavinta ng Cainta WCPC, iniaalok sa halagang tatlo hanggang walong libong piso ang mga babae sa mga customers ng KTV bar.
Gayunman, ayon sa mga suspects, tinutulungan lamang nila ang mga babae lalo na ang mga nangangailangan ng tuition fees.
—-