3 PNPA senior officers pinasisibak dahil sa ulat na kaso ng ‘oral sex’

0
59

Pina-iimbestigahan na ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde ang kaso ng oral sex sa pagitan ng tatlong senior officer at dalawang plebo o kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA).

Ayon kay Albayalde, inatasan na niya ang Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) ng PNP para papanagutin ang sinumang may pananagutan sa naturang insidente.

Batay sa report, nangyari ang insidente noon pang Oktubre 6 kung saan, inutusan umano ng isa sa tatlong senior officer ang dalawang plebo na isagawa ang oral sex sa harap nila bilang parusa.

Habang ang iba pang senior officer ay walang ginawa para pigilan ang gawain sa halip ay mataman pang nanonood sa ginagawang oral sex ng dalawang plebo.

Dahil dito, agad ipinag-utos ni Albayalde ang pagsibak sa mga nasasangkot na senior cadets kapag napatunayan ang kanilang naging kasalanan.

Pero ayon kay Albayalde, bago pa mang umingay ang naturang kaso, may mga natatanggap na rin silang kaso ng mga pang-aabusong seksuwal sa PNPA kaya’t pina-relieve na niya ang mga opisyal na dalawang taon nang nakadestino roon.

—-