26 mambabatas suportado si Cayetano sa gitna ng speakership issue sa kamara

0
23

Nagpakita na ng suporta ang ilang mambabatas kay House Speaker Alan Peter Cayetano sa gitna ng kontrobersya sa speakership ng kamara.

Ito ay matapos na lumagda sa isang manifesto ang nasa 26 na mambabatas na kinabibilangan nina House Majority Leader Ferdinand Romualdez,  Minority Leader Bienvenido Abante, Deputy Speakers Aurelio Gonzales, Johnny Pimentel, L-Ray Villafuerte, Ferdinand Hernandez at Rodante Marcoleta.

Sa naturang manifesto, iginiit ng mga mambabatas na kuntento sila sa pamumuno ni Cayetano at kumpiyansa silang maitataguyod nito ang mandato ng kamara sa sambayanang Pilipino, lalo pa’t nahaharap sa isang krisis pangkalusugan ang Pilipinas.

Bukod sa manifestong ito, nasa 202 mambabatas din naman ang nagpahayag ng suporta kay Cayetano para manatili bilang speaker ng kamara.

Matatandaang sa ilalim ng term-sharing agreement nina Cayetano at Lord Alan Velasco ay napagkasunduan na si Cayetano ay mauupo bilang Speaker ng kamara sa loob ng 15 buwan na nakatakda na sanang matapos sa susunod na buwan,  habang papalitan naman siya ni Velasco sa nalalabi pang panahon ng 18th Congress.