Malabong malagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang 3.7 trillion pesos na panukalang budget ngayong darating na Lunes.
Ito ang naging pagtitiyak ni Senate President Vicente Sotto III matapos mapa-ulat na i-ve-veto ng pangulo ang panukalang pambansang budget.
Aniya, ngayong araw pa lang matatanggap ni Pangulong Duterte ang nasabing panukalang budget mula sa DBM o Department of Budget and Management.
“Matatanggap pa lang ni President yung the entire budget itself galing sa DBM kasama ang mga rekomendasyon ng DBM. Yun ang alam ko. So pinag aaralan nilang mabuti ngayon yan at nirereview niya katulong niya yung executive secretary atsaka yung mga legal staff niya. Pinag aaralan nila yan baka over the weekend pero I doubt na baka matapos nila yan over the weekend. Malabo ang possibility na Monday as of now.”
Kaugnay nito, tiniyak rin naman ni Sotto na masusing pag-aaralan ng pangulo ang nasabing pambansang pondo.
Aniya, hindi na lingid sa kaalaman ng pangulo ang mga umano’y mina-ni obra ng mababang kapulungan ng Kongreso sa 2019 proposed national budget.
“Nakarating naman sa Malacanang, eh nakarating naman talaga sa Malacanang na talagang may nilikot sila. Ang ginagawa nila, binibintangan pa kami. Gumagawa ng istorya at kinakagat naman ng ibang media yung mga nanggagaling doon sa House na kwento, eh wala namang katotohanan yun. Ibinabaliktad at iniiba ang istorya. Eh siguro nakakarating sa kanya eh alam naman niya kung ano ang totoo.”