2 water concessionaires ‘di na sisingilin pa ang gobyerno sa P11-B arbitral award

0
11

Hindi na sisingilin pa ng Maynilad at Manila Water ang gobyerno sa halos 11 bilyong pisong arbitral award.

Sa ikinasang pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accounts,  naglatag ng tatlong punto ang pamunuan ng Manila Water at Maynilad.

Una, sinabi ni Manila Water President at CEO Jose Almendras na hindi na nila pagbabayarin pa ang gobyerno ng 7.4 billion pesos na arbitral award.

Sinegundahan naman ito ng Maynilad at sinabi na hindi na rin nila sisingilin pa ang pamahalaan ng higit tatlong bilyong pisong danyos na napanalunan nila sa Singapore Permanent Court of Arbitration.

‘’Sang ayon po kami sa direktiba ng presidente, sa kagustuhan ng presidente… wag na ho naming habulin yung historical arbitral award sa amin,’’ ani Fernandez.

Pangalawa, hindi na rin muna nila itutuloy sa susunod na buwan ang dagdag na singil sa tubig.

‘’Susunod po kami sa kagustuhan ng gobyerno. Ipinarating po namin sa MWSS, sa aming sulat noong Disyembre 3 ang aming hangarin na makipag ugnayan para magkasundo kung paano maaayos, maipatutupad, ang pagpaliban sa nasabing naaprubahang tass singil. Hindi po kami magtataas ng presyo ng tubig sa January,’’ ani Almendras.

At huli, kapwa rin iginiit ng pamunuan ng Maynilad at Manila Water na handa na rin silang pag-usapan ang pagbabago sa mga kuwestiyunableng probisyon na nakapaloob sa 1997 water concession agreement.

‘’Sinusuportahan po namin ang water supply master plan ng MWSS kaya nagbuhos po kami ng 181 billion peso investment mula noong 2007,’’ ani Fernandez.