1 sa 13 ‘ninja cops’ ipinaaaresto na rin ng Senado dahil sa ‘di pagsipot sa hearing

0
18

Ipinaaaresto na ng Senado si SPO1 Ronald Santos, ang isa sa 13 tinaguriang ‘ninja cops’ na sangkot sa kontrobersiyal na drug operation noong 2013 sa Mexico, Pampanga.

Pinatawan ng contempt ni Senador Richard Gordon, chairman ng Blue Ribbon Committee, si Santos dahil sa hindi nito pagsipot sa pagdinig ng Senado.

Paliwanag ng senador, ilang beses nang pinadalhan ng subpoena ng komite si Santos para humarap sa pagdinig ng Senado.

Una rito, pina-aresto rin ni Gordon si Maj. Rodney Baloyo, ang nanguna sa naturang drug operation dahil sa patuloy nitong pagsisinungaling sa nasabing pagdinig.

Matatandaang ibinabala rin ni Gordon na posibleng abutin pa ng 2022 si Baloyo, o sa pagtatapos ng 18th congress kung hindi patuloy pa rin itong magmamatigas sa pagtatanong ng komite.