Humigit-kumulang 100 Persons With Disabilities (PWDs) mula sa mga Barangay ng San Roque, Campo Islam, at Baliwasan ang nabigyan ng serbisyo sa pagpapatuloy ng Konsulta Caravan isang inisyatibo ng PhilHealth -IX at ng pamahalaang lungsod ng Zamboanga noong Miyerkules, Agosto 5.
Ang aktibidad, na ginanap sa Amor Vilage covered court sa San Jose Gusu, ay ang ika-13 yugto ng programang pinagtulungang isagawa ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth)-9, City Social Welfare and Development Office – Persons with Disabilities Unit (CSWDO-PDAU), at CityHealth Office.
Ayon kay Maria Venus Giron ng PhilHealth-9, naghahatid ang Konsulta Caravan ng mga libreng serbisyong medikal, konsultasyon, at oryentasyon tungkol sa mga programang pangkalusugan ng PhilHealth para sa sektor ng mga PWD; bahagi rin ito ng pagdiriwang ng National Disability Rights Week na ginanap noong Hulyo 17-23.
Sinabi pa ni Giron na ang konsulta caravan, na nagsimula noong unang bahagi ng Hulyo, ay inaasahang mag-aabot ng serbisyo sa mga PWD mula sa tatlo pang distrito upang mabuo ang kabuuang 16 na health district sa lungsod sa mga susunod na araw. Ang bawat distrito ay may humigit-kumulang 100 benepisyaryo na bibigyan ng konsultasyong madikal, pangunahing pagsusuri sa kalusugan (health screening), at edukasyong pangkalusugan.
Pinagsasama-sama ng caravan ang mga medical team mula sa mga kaukulang ahensya, kabilang ang mga doktor at nars mula sa Baliwasan District CHO, sa pamumuno ni Dr. Katrina Ladjahon. (Algie Rojas)
Source: City Government of Zamboanga and PhilHealth Regional Office IX
