Nakipagpulong si Mayor Khymer Olaso sa Komunidad ng mga Zamboangueño mula sa Southern California noong Linggo, Agosto 9. Inanyayahan niya silang bisitahin ang Zamboanga City upang saksihan ang makukulay na pagdiriwang, damhin ang natatanging kultura at pamana, at muling tuklasin kung bakit tunay na walang katulad ang kanilang bayang sinilangan.
Ang pagpupulong ay inorganisa ni City Tourism Officer Sarita Sebastian katuwang sina Randy Dagalea, pangulo ng Zamboanga Hermosa Group Southern California, at Joey Tugung, isang Zamboangueño na nakabase sa Lancaster, California.
Mainit na sinalubong ng mga kapwa Zamboangueño ang Alkalde at ang kanyang delegasyon sa Long Beach, California. Sa nasabing pagpupulong, sinamantala rin ni Mayor Olaso ang pagkakataong ipaalam sa kanyang mga kababayan ang mga prayoridad ng kanyang administrasyon kabilang ang mabuting pamamahala, pag-unlad sa aspetong sosyo-ekonomiko, at kapayapaan at seguridad upang makamit ang progreso at kaunlaran. Inanyayahan niya ang grupo na bisitahin ang lungsod sa panahon ng engrandeng pagdiriwang ng Zamboanga Hermosa Festival 2026.
Samantala, iginawad ni Jim Dear dating alkalde at kasalukuyang miyembro ng konseho ng Carson City kay Mayor Olaso ang isang *Certificate of Recognition* bilang pagkilala sa kanyang pagsusulong ng mga oportunidad para sa kolaborasyon at mabuting ugnayan sa pagitan ng dalawang lungsod.
Ipinahayag ni Sebastian ang kanyang kagalakan dahil ang pagtitipon ng mga Zamboangueño sa Los Angeles noong Linggo, Agosto 9, ang kauna-unahan matapos ang ilang taong pagkaantala.
Sa Agosto 10, makikipagpulong ang delegasyong pinamumunuhan ni Mayor Olaso sa sektor ng negosyo; sa susunod na araw naman Agosto 11, dadalo ang grupo sa isang *Town Hall Meeting* sa Philippine Consulate General Sa Los Angeles kasama ang mga *Stakeholder* sa turismo at kalakalan mula sa Los Angeles. (Algie Rojas)
Source: City Tourism Office.
