ZAMBOANGA: FREELANCE ELECTRICIAN, ARESTADO SA SUTERVILLE DAHIL SA PAGNANAKAW NG KURYENTE

    0
    2

    Isang 60-anyos na freelance electrician ang naaresto sa isang operasyon laban sa pagnanakaw ng kuryente na isinagawa ng ZAMCELCO Energy Recovery Team (ERT), katuwang ang mga tauhan ng Police Station 13 (PS13), sa Dacon Drive, Sitio Suterville, Barangay Campo Islam Zamboanga City.

    Ayon sa ulat, naaktuhan ang suspek habang tinatanggal ang hinihinalang ilegal na koneksyon ng kuryente mula sa secondary line ng ZAMCELCO patungo sa kanyang tirahan.

    Batay sa pagsusuri ng ERT, natuklasang nakakakuha ng kuryente ang nasabing bahay gamit ang ilegal na koneksyon, kung saan may ilang mga gamit na gumagana kabilang ang air conditioner, electric fan, water pump motor, at washing machine.

    Sinabi ni ZAMCELCO Chief Management Officer Atty. Rommel S. Agan na ang suspek ay hindi miyembro-konsyumer ngunit nakikinabang sa ilegal na koneksyon, na nagpapahintulot sa kanyang gumamit ng iba’t ibang appliances nang hindi nagbabayad para sa nakonsumong kuryente. Samantala, binigyang-diin ni Acting General Manager Engr. Floyd Eric O. Bautista na hindi titigil ang ZAMCELCO sa kampanya nito laban sa pagnanakaw ng kuryente at patuloy na tutugisin ang mga ilegal na koneksyon katuwang ang mga awtoridad.

    Dinala ang suspek sa Police Station 13 para sa booking, dokumentasyon, at karampatang proseso. Pinalalahanan ng ZAMCELCO ang publiko na ang pagnanakaw ng kuryente ay isang seryosong paglabag na nakaapekto sa pagiging maaasahan, kaligtasan, at halaga ng serbisyo sa kuryente.

    Hinihikayat ng Kooperatiba ang mga konsyumer na iulat ang mga hinihinalang ilegal na koneksyon at tumulong sa pagprotekta sa integridad ng sistema ng distribusyon ng kuryente. (Algie Rojas)

    Source: ZAMCELCO.

    Leave a Reply