ZAMBOANGA: MAS HIGPIT NA REGLAMENTO SA TRICYCLE ZONE AT BAGONG BARCODE SYSTEM

    0
    5

    Isinusulong ni Mayor Khymer Olaso ang mas mahigpit na mga regulasyong nakabatay sa sona para sa mga tricycle at isang bagong barcode system upang matiyak na mga rehistradong yunit lamang ang bumibiyahe sa Zamboanga City.

    Tinalakay ni Mayor Olaso ang mga mungkahing hakbang kasama ang mga pangulo at kinatawan ng iba’t ibang Tricycle Operators and Drivers’ Associations (TODAs) sa isang pulong na gjnanap sa Conference Room ng City Hall.Kabilang sa mga mungkahi ang mas mahigpit na pagpapatupad ng mga itinalagang sona ng operasyon; ang mga tricycle na nakatalaga sa Zone 1 ay papayagang bumiyahe lamang sa loob ng Zone 1, habang ang mga nakatalaga sa ibang sona ay limitado rin sa kanilang mga itinalagang lugar o ruta.

    Sinabi ng Alkalde na ang mga iminumungkahing restriksyon ay naglalayong pigilan ang mga tricycle na pumasok nang hindi kinakailangan sa ibang sona at makipag-agawan ng pasahero sa labas ng kanilang mga itinalagang lugar. Ang mga drayber na lalabag sa mga iminumungkahing restriksyon ay maaaring patawan ng parusa kapag naamyendahan at naipatupad na ang mga regulasyon sa pamamagitan ng isang ordinansa.

    Nilinaw ni Mayor Olaso na maaaring payagan ang mga tricycle na lumabas sa kanilang mga itinalagang sona kung kinakailangan, tulad ng pagredponde sa isang insidente o iba pang mga agarang sitwasyon.

    Iminungkahi rin ng alkalde ang pagpapatupad ng barcode system simula sa 2027 upang bigyang-daan ang mga awtoridad na beripikahin kung ang isang tricycle ay maayos na nakarehistro at awtorisadong bumiyahe.

    Ang iminumungkahing sistema ay magbibigay sa mga awtoridad ng karagdagang paraan upang matukoy ang mga rehistradong yunit at masuri ang operasyon ng mga “colorum” o hindi rehistradong tricycle.

    Tiniyak ni Mayor Olaso sa mga lider ng TODA na ang kanilang mga pangulo at kinatawan ay isasali sa proseso partikular na kapag handa na ang draft ng iminumungkahing ordinansa bago ito pinal na buuin at isumite para sa pag apruba. (Algie Rojas)

    Source: City Government of Zamboanga.

    Leave a Reply