OFFICIAL STATEMENT
Aming napag-alaman ang muling pagkalat sa Facebook Messenger at text message ng impormasyon na tumutukoy sa posibilidad ng isang Magnitude 7.2 na lindol na maaaring maganap sa CDO at Tagoloan, at ng isang Magnitude 6.3 na lindol sa Tulunan, na maaring magdulot ng tsunami na kasing taas ng isang 15-palapag na gusali.
Nais pong ipabatid muli ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC IX) at Office of Civil Defense (OCD) IX na HINDI NANGGALING sa NDRRMC at kay OCD IX Regional Director Ramon Ochotorena ang impormasyong ito. Pinasinungalingan na rin ito ng DOST-PHIVOLCS sa kanilang naunang pahayag.
Inuulit ng tanggapang ito, kaakibat ang DOST-PHIVOLCS, na hanggang ngayon ay wala pang teknolohiya sa mundo na makakapag-detect at makatitiyak kung kailan o saan mangyayari ang isang lindol. Subalit, nais naming hikayatin ang publiko na palaging maghanda sa anumang oras kung sakaling may mangyaring mga pagyanig o anumang sakuna.
Muli, mariin naming hinihikayat ang ating mga kababayan na nakakatanggap ng ganitong mga mensahe na huwag agad maniwala at kumuha lamang ng mga impormasyon sa mga opisyal na ahensya ng pamahalaan upang maiwasan ang pagkalat ng fake news na maaring magdulot ng takot at kalituhan sa lahat.
(Source: Civil Defense IX- Zamboanga Peninsula Facebook page)