US Army ibabalik na ang 2 Balangiga Bells sa PH

0
38

Ibabalik na ng US Army ang dalawang Balangiga Bells sa Pilipinas, mahigit isang siglo matapos ito kunin ng mga Amerikanong sundalo sa simbahan ng Balangiga Eastern Samar bilang war trophy noong 1901.

Ayon kay Dr. Rolando Borrinaga ng committee on historical research ng National Commission for Culture and the Arts, isang seremonya ang isasagawa sa Francis E. Warren Air Force Base sa Cheyenne Wyoming sa Nobyembre 15.

Ito aniya ang magsisilbi tanda sa pagbiyahe ng dalawang Wyoming Bells pabalik ng tahanan nito sa simbahan ng Balangiga.

Dagdag ni Borrinaga, nakahanda na rin aniya ang ikatlong Balangiga bell na nasa museo ng US Army sa South Korea para maibalik din sa bansa.

Sinabi pa ni Borrinaga, ang pagbabalik sa Pilipinas ng tatlong makasaysayang kampana ay resulta ng pag-uusap at pagbibigay suporta ng mga miyembro ng US Veterans Community.

Sa ngayon, wala pang detalye sa eksaktong araw ng pagdating sa Pilipinas ng tatlong Balangiga Bells dahil isasailalim pa ito sa pagsasaayos bago tuluyang i-byahe pabalik ng bansa.