Ulat na pirmado na umano ang release order ni Sanchez noon pang Agosto 20 tsismis lang — Malakanyang

0
51

Tsismis lang ang umano’y napaulat na pirmado na ang release order ni convicted murderer at rapist Antonio Sanchez noon pang August 20 subalit naunsyami lang ito dahil pinigilan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang reasksyon ng Malakaniyang sa naging pahayag ng pamilya ni Sanchez.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, walang katotohanan ito dahil itinanggi mismo ito ng pamunuan ng Bureau of Corrections o BuCor.

Malinaw aniya ang nakasaad sa Republic Act 10592 na hindi kabilang sa magbebenipisyo ng Good Conduct Time Allowance ang mga nakagawa ng heinous crime o karumal-dumal na krimen kagaya ng kaso ni Sanchez.

Giit pa ni Panelo, dapat ay pag-aralan muli ng mga abogadong nagbigay ng maling legal na opinyon hinggil sa nasabing batas.

Dagdag pa ng kalihim, dapat ay sundin kung ano ang nakasaad sa batas sa halip na gumawa ng intriga.

Magugunitang inihayag ng pamilya ni Sanchez ang kanilang planong pag apela sa Korte Suprema kaugnay sa ginawa umanong pagbawi sa release order gayung dapat na umanong lumaya ang dating alkalde.