Trillanes hihintayin sa Senado ang ipalalabas na desisyon ng Makati RTC 148

0
59

Sa Senado hihintayin ni Senador Antonio Trillanes IV ang posibleng ipalabas na desisyon ni Judge Andres Soriano ng Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 148 ngayong araw.

Kaugnay ito ng petisyon ng Department of Justice (DOJ) na magpalabas ng alias warrant of arrest at hold departure order laban kay Trillanes matapos namang ipawalang bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnestiya nito.

Magugunitang sinabi na noon ni Atty. Rey Robles, abogado ni Trillanes, na ayaw ng senador na sa kanyang bahay isilbi ang warrant of arrest na posibleng ipalabas laban sa kanya dahil magiging traumatic aniya ito sa kanyang pamilya.

Samantala, sakaling tuluyan namang magpalabas ng warrant of arrest ang Makati RTC Branch 148, iginiit ng Senado na kailangang dumaan ito sa tamang proseso at makipag-ugnayan muna sa tanggapan ng Senate Sergeant of Arms bago isilbi kay Trillanes.