Trece Martires Cavite Vice Mayor Alex Lubigan ililibing sa Linggo

0
58

Nakatakdang ilibing sa Linggo, Hulyo 15 si Trece Martires City, Cavite Vice Mayor Alexander Lubigan.

Ayon kay Christine Lubigan-Lucero, isang misa para sa kanyang kuya ang isasagawa sa Saint Jude Thaddeus Parish, alas-2:00 ng hapon.

Matapos nito ay ide-deretso ang labi ng bise alkalde sa Saint Jude Memorial Park, sa barangay Luciano.

Nagpapasalamat naman ang pamilya ni Vice Mayor Lubigan sa lahat ng sumusuporta at umaasang makakamtan ang katarungan sa lalong madaling panahon.

Ipinag-utos naman ni Cavite Provincial Police Office Director, Senior Supt. William Mongas Segun sa provincial mobile force na paigtingin ang seguridad sa libing ng bise alkalde.

Hulyo 7 nang tambangan si Lubigan at driver nitong si Romulo Guillemer na noo’y lulan ng itim na Toyota Hilux pick-up sa Trece-Indang Road sa barangay Luciano.

Kaugnay nito, umaasa ang pamilya ni Lubigan na matutunton na sa lalong madaling panahon ang mga pumaslang sa bise alkalde.

Ito’y matapos marekober sa bayan ng Maragondon ang sasakyang ginamit ng mga salarin sa pananambang at pagpatay kay Lubigan at sa driver nito.

Ayon kay Christine Lubigan-Lucero, isang magandang “birthday gift” sa kanyang kuya ang pagkaka-rekober sa abandonadong itim na Toyota Hilux pick-up na sinakyan ng mga salarin.

Samantala, nihayag ni Cavite Provincial Police Director, Senior Supt. William Segun na bineberipika na ng scene of the crime operatives kung sino ang may-ari ng sasakyan at maaaring sa mga susunod na araw ay ilabas na ang resulta.


Trece Martires Mayor Melandres de Sagun itinangging sangkot sa pagpatay kay VM Lubigan!

Itinanggi ng kampo ni Trece Martires City, Cavite Mayor Melandres De Sagun ang alegasyon na sangkot siya sa pagpatay sa kanyang kaalyado at Vice Mayor na si Alexander Lubigan.

Ito ang binigyang diin ni Raymund Eguillos, Chief-of-Staff ni De Sagun sa kabila ng suspetsa ng pamilya Lubigan at ilang lokal na opisyal na pulitika ang motibo sa pamamaslang sa bise alkalde.

Ayon kay Eguillos, handang sagutin ng alkalde ang lahat ng mga paratang sa sandaling bumalik na ito mula sa Italy, sa Hulyo 17.

Sinasabing tatakbo si Lubigan sa pagka-alkalde laban sa asawa ni De Sagun na si Aiza sa 2019 midterm elections.

Gayunman, nilinaw ni Eguillos nagkasundo noon ang magka-alyado na tumakbo si Lubigan sa pagka-provincial board member at hindi sa pagka-alkalde.

—-