Hawak na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang listahan ng mga pangalan ng kandidato sa susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP).
Ito ang kinumpirma ni PNP Spokesperson P/Bgen. Bernard Banac kasunod ng pagsusumite ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ng shortlist ng mga posibleng papalit kay PNP Chief Archie Gamboa na nakatakdang magretiro sa ika-2 ng Setyembre.
Ayon kay Banac, dalawang linggo na aniya ang nakalilipas mula nang ipasa ni Año ang listahan ng mga heneral na posibleng humalili kay Gamboa.
Kung seniority aniya ang pag-uusapan ay otomatiko nang nominado ang mga matataas na opisyal ng PNP sa pangunguna nina Deputy Chief for Administration P/LtG. Camilo Cascolan, Deputy chief for Operations P/LtG. Guillermo Eleazar at Chief of Directorial Staff na si P/LtG. Cesar Hawthorne Binag na pawang mga three-star Generals.
Gayunman, inamin naman ni Banac na wala siyang impormasyon kung sino ang iniendoroso ni Año maliban pa sa tatlong nabanggit dahil bukas naman aniya ang nominasyon para sa lahat ng heneral mula Police Brigadier General hanggang Police Major General.
Una rito, kinumpirma rin ni Banac na unti-unti nang nagpapaalam si Gamboa sa hanay ng PNP sa kabila ng umuugong na mga balita hinggil sa posibleng pagpapalawig sa termino nito hanggang Nobyembre. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)