Roque walang ideya kung may gustong pumalit kay Duque

0
13

Walang impormasyon si Presidential Spokesperson Harry Roque hinggil sa mga personalidad na nagnanais pumalit sa puwesto ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III.

Kasunod ito ng pahayag ni Senador Richard Gordon sa mga umano’y umaasinta sa puwesto ni Duque dahil sa kinahaharap na imbestigasyon  ng DOH sa mga umano’y iregularidad at mabagal na pagtugon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Ayon kay Roque, wala siyang nalalaman kung may mga naghahangad sa posisyon ng kalihim ng DOH sa kasalukuyang panahon kung saan maituturing ito bilang pinakamahirap na trabaho dahil sa COVID-19.

Sinabi ni Roque, kahit gaano aniya ka-ambisyoso ang isang taon, mahirap pa ring gawing ambisyon ang trabaho ng health secretary.

Una nang iginiit ni Gordon na mas makasasama sa bansa kung papalitan si Duque sa gitna ng nararanasang krisis sa kalusugan.