Road closure ipinatupad sa ilang kalsada sa Maynila bilang paghahanda para sa SEA Games

0
21

Nagpatupad ang mga otoridad ng road closure at traffic rerouting sa lunsod ng Maynila bilang bahagi ng paghahanda sa gaganaping Southeast Asian Games (SEA Games).

Simula kahapon, Nobyembre 23, isinara na ang north at southbound lanes ng Adriatico Street mula Quirino Avenue hanggang P. Ocampo sa Malate.

Kaugnay nito, kinakailangang magsagawa ng traffic rerouting sa mga kalsada at sa paligid nito.

Bunsod nito, lahat ng mga sasakyan na galing sa west bound lane ng Taft Avenue ay kailangang dumiretso ng Buendia patungo na sa kanilang mga destinasyon.

Habang deretso naman sa Taft Avenue ang mga sasakyang nasa eastbound lane ng P. Ocampo na babaybay sana sa Adriatico.

Samantalang sa Roxas Boulevard naman, diretso ang mga sasakyang nasa westbound lane ng P. Ocampo na dadaan sana sa Adriatico.

Sa mga nasa eastbound lane naman ng P. Ocampo na tatahak sana sa Adriatico, maari silang dumeretso sa Taft Ave. patungo na sa kanilang mga destinasyon.

Nakatakda namang ilunsad ang opening ceremonies ng SEA Games sa Nobyembre 30 sa Philippine Arena sa Bulacan pero lahat ng mga sports event ay gaganapin sa lunsod ng Maynila.