Rigodon sa Kamara naging tensyonado

0
51

Naging mainit ang rigodon sa pamunuan ng Minority Bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso matapos ang tensyonadong pagpapalit ng liderato na naghalal kay dating Pangulong Gloria Arroyo bilang bagong House Speaker.

Ito’y makaraang isalang sa botohan ang pag-adopt ng plenaryo sa House Resolution 2025 upang kilalanin ang pagkakahalal kay Pampanga 2nd District Representative Gloria Macapagal-Arroyo bilang leader ng Kamara.

Tumayo ang dating Majority Floor Leader na si Ilocos Norte 2nd District Representative Rodolfo Fariñas para kuwestiyunin kung dumaan sa pinamumunuan niyang House Rules Committee ang resolusyon.

Sa gitna ng diskusyon nina Fariñas, Deputy House Speakers Rolando Andaya Jr. at Fredenil Castro, pinalagan ni ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio ang pag-adopt sa nasabing resolusyon.

Bagaman sinuspende ang sesyon at nang magbalik-sesyon ay agad din naman itong in-adjourn.


‘Minority leader position, LP vs. Makabayan Bloc’

Nagbanggaan na rin ang Liberal Party at Makabayan Bloc upang makuha ang posisyon sa pagka-minority leader ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ito’y sa kabila ng House rules na dapat magsilbing minority leader ang kongresistang natalo sa pagka-House Speaker matapos ang pagkakahalal kay dating Pangulong Gloria Arroyo bilang leader ng Kamara kapalit ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez.

Isinabak ng 12 kongresista ng LP si Marikina City 2nd District Representative Miro Quimbo para sa pagka-minority leader.

Pursigido naman si ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio na makuha ng Makabayan Bloc ang liderato ng minorya dahil sila lang ang lumalaban sa lahat ng administrasyon.

—-