Rekomendasyon sa pagsasara ng ilang kalsada, pagbabawal sa mall sales sa panahon ng SEA Games naisumite na

0
19

Isinusulong ng MMDA ang pagsasara ng ilang kalsada, suspensyon ng klase at pagbabawal sa mall sales sa buong panahong ginagawa ang SEA Games sa bansa.

Ayon kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, naisumite na nila sa Malakaniyang ang kanilang mga rekomendasyon subalit hindi pa ito naaaprubahan ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Pialago na inirekomenda nila ang pagsasara ng Adriatico at P. Ocampo Streets na malapit lamang sa Rizal Memorial Stadium kung saan gagawin ang ilang SEA Games events at nakikipag usap na sila sa posibleng pagbabawal sa mall sales na madadaanan ng mga delegado at atleta.

Hiniling na rin aniya nila ang suspensyon ng klase sa 7 eskuwelahan sa Metro Manila mula December 2 hanggang 6 para mapagaan ang daloy ng trapiko.

Una nang inabisuhan ng MMDA ang publiko na iwasan ang ‘checkpoint areas’ sa kasagsagan ng SEA Games.