QC nais isailalim sa ‘transition period’ bago ang GCQ

0
26

Nais ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na isailalim muna sa ‘transition period’ ang lungsod bago ilagay sa general community quarantine (GCQ).

Ito ay kaugnay ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila hanggang sa Mayo 15 dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, sa ilalim ng tinatawag na transition period ay mahigpit pa ring ipatutupad ang aniya’y bagong normal na mga protocols.

Sinabi ni Belmonte, ang transition period na ito ay para mabigyan ng sapat na panahon hindi lamang ang publiko kundi maging ang mga negosyo sa lungsod upang makapag-handa sa panganib na dala ng COVID-19  at upang makapag-adjust na rin sa sitwasyon.

Aniya, sa pag iral ng transition period, dapat munang maglatag ng kaukulang hakbang ang mga negosyante para tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga manggagawa at customers bago ito payagang makapag operasyon.

Dapat ding isailalim sa COVID-19 test at quarantine ang mga manggagawa kung kinakailangan, at ang mahigpit na pag iral ng social distancing at disinfection sa trabaho.

Samantala, binigyang diin din ni Belmonte na dapat ding sumailalim sa one-day shutdown ang mga negosyo para sa disinfection and sanitation activities.