Pulis na namatay matapos maka-engkwentro ang mga NPA sa Iloilo binigyan ng parangal

0
14

Kinilala ng Philippine National Police (PNP) ang ginawang kabayanihan ng tauhan nito habang ginagampanan ang tungkulin sa bayan.

Kahapon, binisita ni PNP Chief P/Gen. Archie Gamboa ang burol ni P/Capt. Efren Espanto Jr, ang pulis na nasawi sa engkuwentro nito laban sa New People’s Army (NPA) sa Janiuay, Iloilo noong araw ng Miyerkules.

Kasabay ng personal na pag-aabot ng pakikiramay sa pamilya Espanto, ginawaran din ng PNP Chief ng medalya ng kadakilaan ang nasawing kapitan.

Maliban dito, ipinaabot din ni Gamboa ang tulong pinansyal sa naulilang pamilya ni Espanto sabay pagtitiyak na makukuha nila ng buo ang benepisyo ng pumanaw nilang haligi ng tahanan.

Kasunod nito, kinilala rin ni Gamboa ang tropa ng reconnaissance company ng regional mobile force battalion 6 kung saan, ginawaran niya ito ng medalya ng kagalingan.