Publiko hinikayat na tumulong sa pagbusisi sa panukalang pambansang pondo

0
47

Hinikayat ni Sen. Panfilo Lacson ang publiko partikular ang mga taxpayers na tumulong sa pagbusisi sa  panukalang pambansang budget para sa susunod na taon.

Ayon kay Lacson, simula na naman ang larong ‘hide and seek’ sa paghimay sa 2020 budget  kaya’t makabubuti na tumulong ang publiko sa pagdiskubre at paglalantad sa mga maaari na namang isingit na mga kwestyunable at walang saysay na alokasyon ng pondo.

Giit ni Lacson, anumang forensic o technical na tulong mula sa labas ng kongreso ay malaking bagay para mailantad at matanggal ang madidiskubreng pork sa 2020 budget.

Ayon sa senador, taxpayers money ang pinag-uusapan pagdating sa taunang pambansang budget kaya’t hindi dapat hayaan na ilang sakim at tiwaling mambabatas ang makapagsingit ng malaking halaga ng pork.

Bukas nakatakda ng bigyan ng briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) at mga senador hinggil sa  isinumite nila sa kongreso na National Expenditure Program para sa 2020 na nagkakahalaga ng P4.1-trillion.

Samantala, isinusulong sa senado ni Sen. Lacson ang senate bill  no. 24 na naglalayong i-institutionalize ang direktang partisipasyon ng mga taxpayer sa budget process.

with report from Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)