Mas mura ang mga imported na galunggong kaysa sa locally-produced.
Ayon ito kay Fernando Hicap, Chairman ng Pamalakaya sa gitna na rin nang napipintong pag-angkat ng galunggong simula sa September 1.
Sinabi sa DWIZ ni Hicap na babagsak pa ang kabuhayan ng mga mangingisda kapag nagpatuloy ang importasyon ng galunggong.
“Mas mura kumpara sa atin, malaking epekto po ‘yan sa maliliit na mangingisda, kapag nagsabay ‘yan ang imported at ‘yung huli natin, kung anong halaga ng imported ‘yun din ang halaga ng isda natin, bagsak talaga ang kabuhayan natin kapag nagpatuloy ang ganitong policy, nagtaasan na po ang presyo ng produktong petrolyo at mga pangunahing bilihin, mga gamit sa produksyon, lahat po ‘yan nagtaasan.” Ani Hicap
Kasabay nito, binigyang diin ni Hicap ang malaking pagkakaiba ng galunggong ng bansa sa uri nitong nagmumula sa ibang bansa na aniya’y may peligro sa kalusugan.
“’Yung sa atin na sariwa malambot ang katawan, makintab ang balat, ang mata ay hindi pa ganung kapula, malinaw pa, pero ‘yung mga imported matigas ang katawan, namumula ang laman at mata, ‘yan po ang nakakabahala, napakalayo ng diperensya ng lasa, kapag niluto na ang isda, halos madurog na ang ibabaw pero may dugo pa sa loob sigurado pong imported ‘yun.” Pahayag ni Hicap
(Balitang Todong Lakas Interview)