Pre-registration para sa national ID system aarangkada na

0
24

Target ng Philippine Statistics Authority (PSA) na mai-rehistro ang nasa 5 milyong mga Filipino para sa national ID system bago magtapos ang taong ito.

Ayon kay NEDA Acting Sec. Karl Kendrick Chua, isasailalim muna sa pre-registration ang nasa 9 na milyon mga Filipino kung saan inaasahan na matagumpay na maiparerehistro ang nasa 5 milyong bilang ng mga Filipino ngayong 2020.

Sinabi naman ni National Statistician Claire Dennis Mapa na isasagawa ang pre-registration sa 32 mga lalawigan sa bansa na itinuturing na low-risk sa COVID-19.

Aniya, nais nilang matiyak na ligtas sa banta ng COVID-19 ang mga Filipinong isasailalim sa pre-registration pati na ang kanilang mga registration officers.

Paliwanag ni Mapa, magha-house-to-house muna sila upang makuha ang demographic information ng mga residente at upang maitalaga ang appointment system pati na ang mobile registration centers.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Chua na inaasahan na isagawa ang pre-registration para sa national ID system sa darating na Oktubre.