PNP nakahanda na sa GCQ

0
48

Handa na ang Philippine National Police (PNP) sa pagsisimula ng general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila bukas, Hunyo 1.

Ito ang tiniyak ni Joint Task Force COVID Shield commander Police Lt. General Guillermo Eleazar bagama’t aminado siyang magiging malaking hamon ito sa pulisya.

Ayon kay Eleazar, inaasahan na nila ang pagdami ng mga sasakyan sa lansangan kasabay na rin ng pagdami ng mga indibiduwal na pinapayagan nang makalabas ng tahanan at pumasok sa trabaho.

Sinabi ni Eleazar, susuriin pa rin ng pulisya ang mga bumibiyaheng sasakyan para matiyak na otorisadong lumabas ng tahanan ang mga sakay nito, bagama’t magiging random o pili na lamang ito.

Binigyang diin pa ng heneral, hindi pa rin papayagan ang pagtawid ng mga barangay o siyudad ng mga residente para bumili ng mga essentials o pangangailangan.

Kasabay nito, nanawagan si Eleazar sa publiko na makipagtulungan sa pulisya para sa maayos na pagpapatupad ng mga guidelines sa ilalim ng GCQ.