PhilHealth premium hike inalmahan ng mga OFWs

0
31

Mariing inalmahan ng mga overseas filipino worker (OFWs) ang inilabas na direktiba ng PhilHealth kung saan inaatasan nito na taasan ang kanilang buwanang premium contribution.

Sa pamamagitan ng isang online petition, ipinarating ng mga OFW ang pagtutol sa nasabing direktiba ng PhilHealth.

Ayon sa mga ito, hindi patas ang naturang hakbang at dagdag pasakit pa anila ito sa krisis na nararanasan bunsod ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

May mahigit 280,000 na ang pumirma sa naturang online petition.

Idinaan naman sa isang open letter ng isa ring OFW ang kaniyang inihaing kung saan sinabi nito 99.9% ng panahon ay nasa abroad sila at wala sa Pilipinas.

Kaya aniya kapag sila ay nagkasakit, sinasagot ang mga gastusin sa pagpapagamot ng medical insurance na kinuha ng kanilang kumpanya para sakanila.

Kahit aniya umuwi sila sa Pilipinas ay hindi nila mapapakinabangan ang PhilHealth dahil international coverage ang tinatamasa nila sa kanilang medical insurance.

Suportado rin ng Gabriela ang pinaglalaban ng mga OFW.

Ayon kay Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas, bakit kailangan gatasan ng PhilHealth ang mga OFW lalo na sa panahon ngayon na may kinakaharap na pandemya.

Sinabi rin ni Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin na hindi naman makikinabang ang mga OFW sa naturang kontribusyon.

Batay sa inilabas na memorandum circular , obligado nang maghulog ang mga OFW ng 3% ng kanilang buwanang suweldo para sa PhilHealth coverage ngayong taon mula sa dating 2.7%.