PhilHealth dapat linawin na ang isyu ukol sa dagdag na kontribusyon — Roque

0
23

Dapat na linawin na lamang ng PhilHealth ang isyu hinggil sa dagdag na kontribusyon ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) kaysa ipasa sa iba ang sisi.

Ito’y ayon kay Presidential Spokesman Atty. Harry Roque dahil ibinabaling aniya sa kanya ng PhilHealth ang sisi dahil siya ang may akda ng Universal Health Care law (UHC).

Ayon kay Roque, wala naman kasing nakasaad sa UHC act na taasan ang premium contribution ng mga OFW’s, bagkus ay nakasaad lamang ito sa implementing rules and regulation (IRR) ng nasabing batas.

Sinabi ni Roque na ang PhilHealth ang namuno sa pagbalangkas ng IRR ng nabanggit na batas.

Una rito, umalma ang mga OFW’s sa direktiba ng PhilHealth kung saan umani ng libo-libong pirma ang online petition ng mga OFW para sa nasabing hakbang.

Sa ilalim ng direktiba, obligado na ang mga OFW’s na maghulog ng 3% ng kanilang buwanang sahod para sa PhilHealth mula sa dating 2.7%.