Panibagong sama ng panahon nakapasok na sa PAR

0
47

Nakapasok na ng Philippine Area of Responsibility o PAR ang Low Pressure Area (LPA) na binabantayan ng PAGASA sa silangang bahagi ng Visayas.

Ayon sa PAGASA, ang sentro ng nasabing LPA ay pinakahuling namataan sa layong 1,000 kilometro silangan ng Guiuan, Eastern Samar.

Hindi naman inaasahang magiging bagong bagyo ang sama ng panahon sa loob ng 24 hanggang 48 oras at posibleng malusaw sa mga susunod na araw.

Samantala, ang sentro ng bagyo na may international name na “Jebi” ay pinakahuling namataan sa layong mahigit 3,000 kilometro silangan ng hilagang Luzon.

Taglay ng nasabing bagyo ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 140 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugsong umaabot sa 170 kilometro kada oras.

Ang naturang bagyo ay kumikilos sa bilis na dalawampung (20) kilometro kada oras pa kanluran hilagang kanluran.

Ipinabatid ng PAGASA na sakaling hindi magbago ang direksyon at bilis ng bagyo, papasok ito ng PAR sa araw ng Linggo o Lunes subalit hindi inaasahang tatama sa kalupaan ng bansa.

—-