Magpapadala si Pangulong Rodrigo Duterte ng tatlong babaeng rebel returnee sa China at Hongkong upang personal na makita kung gaano na kalaki ang ipinagbago ng komunismo.
Sa 12th anniversary ng AFP-Eastern Mindanao Command sa Davao City, inihayag ni Pangulong Duterte na dapat makita ng mga dating rebelde ang kasalukuyang modernong pamumuhay ng mga komunista.
Ito, ayon sa pangulo, ay upang mapagtanto ng mga rebel returnee maging ng mga NPA member na masyado ng “bulok” o luma ang mga ideyolohiya ni CPP Founder Jose Maria Sison.
Malaki na anya ang ipinagbago ng ideyolohiyang komunismo partikular sa pagpapatakbo ng ekonomiya malayo sa ipinaglalaban ni Sison na sa halip na ideyolohiya ay pagpakakalat ng maling balita ang inaatupag.
Dagdag pa ni Pangulong Duterte, dapat himukin ng mga rebel returnee ang kanilang mga dating kasamahan sa kabundukan na magbalik-loob na rin at huwag ng maniwala sa mga pambobola ni Sison.