Pangulo hinimok ang mga kabataan na mas pahalagahan ang kalayaan

0
80

Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang publiko na sabay-sabay na gunitain ang makasaysayang rebolusyon ng 1986 EDSA People Power sa gitna ng isinasagawang kaliwa’t kanang paghahanda para sa 2019 midterm elections.

Ito’y ayon sa mensahe ng Pangulo kasabay ng pagdiriwang ng ika-tatlumpu’t tatlong anibersaryo ng People Power revolution.

Pinapurihan din ng Pangulo kung paano ipinakita ng mga Pilipino sa buong mundo na hindi kailangan ng marahas na pamamaraan upang mabago ang kasaysayan.

Umaasa rin ang Punong Ehekutibo na maging inspirasyon ang naturang rebolusyon lalo na sa mga kabataan na mas pahalagahan ang kalayaan na dati’y nawala ngunit muling nabawi ng Pilipinas.


Samantala, hindi makakadalo si Pangulong Duterte sa mga isasagawang pagdiriwang ngayong araw.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, magiging abala ang Pangulo sa pagdalo sa kauna-unahang national assembly ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas na gaganapin sa SMX Convention Center.

Hindi man aniya physically present ang pangulo sa naturang pagdiriwang ay makikiisa naman siya sa mga mamamayan bilang paalala sa lahat na ang kapangyarihan ay nasa mga mamamayan at sa kanila nagmumula.

Magugunitang una nang inanunsyo ni Panelo na hindi makadadalo ang Pangulo ngunit hindi tinukoy ang partikular na dahilan kung bakit.

—-