Panelo sinopla ang banat ng San Francisco board of supervisors sa war on drugs

0
48

Tinawag na ‘toxic’ at hindi katanggap-tanggap na panghihimasok sa ligal na proseso at pangingialam sa soberenya ng Pilipinas ang naging hakbang ng board of supervisors sa San Francisco, California.

Ito ay matapos banatan at punahin ng mga supervisors ng San Francisco, California sa isang resolusyon ang kampanya kontra droga ng pamahalaan ng Pilipinas.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, tila nakalimot ang San Francisco board of supervisors na matagal nang hindi kolonya ng Amerika ang Pilipinas at kailanman ay hindi magpapasakop ang bansa sa kanila.

Iginiit pa ni Panelo, mali ang mga datos na ipinarating sa board of supervisors ng mga aniya’y hindi patas na news agency, anti-Duterte trolls at mga labor at environmental activist sa San Francisco at Richmond.

Maliban sa resolusyon ng board of supervisors of San Francisco na naghihimok sa U.S. government na imbestigahan ang posibilidad na paggamit ng American financial aid sa madugong kampanya kontra droga ng pamahalaan, kanila ring hiniling ang agarang pagpapalaya kay Senadora Leila De Lima at pagbasura sa mga kaso ni Rappler CEO Maria Ressa.