Pagpapatigil sa operasyon ng mahigit 50 lumad schools kinondena ng grupong Bayan Muna

0
38

Kinondena ng grupong Bayan Muna ang aksyon ng Department of Education o DEPED na pagpapatigil sa operasyon ng 55 lumad schools sa Salugpungan sa rehiyon ng Davao.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat, isa ring Lumad Manobo leader, sila na mismo ang nagsisikap na mabigyan ng edukasyon ang kanilang mga anak na matagal ng ipinagkait ng gobyerno.

Aniya, dugo at pawis ang kanilang ipinuhunan para lang maipatayo ang naturang mga paaralan sa kanilang mga komunidad.

Giit ni Cullamat, hindi makatarungan ang pagpapalabas ng DEPED ng kautusan na suspendihin ang permit to operate ng naturang mga paaralan dahil ito aniya ay nagpapakita ng kalapastanganan sa karapatan sa edukasyon ng mga kabataang Lumad.

Ipinatigil ng DEPED ang nasa 55 paaralan sa nabanggit na lugar alinsunod umano sa rekomendasyon ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., dahil hindi aniya tugma sa alintunin ng kagawaran ang mga leksyon sa nasabing mga eskwelahan.