Tiniyak ng Department of Finance na kanilang ipaliliwanag ng maigi sa mga senador ang kahalagahan ng panukalang TRAIN o Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law 2.
Ayon kay Finance Assistant Secretary Tony Lambino, tiwala silang uusad ito sa dalawang kapulungan ng kongreso at inaasahang mapagtitibay din bago matapos ang taong kasalukuyan.
Aminado rin si Lambino na kulang na kulang sila sa mga pagpapaliwanag sa mga senador hinggil sa benepisyong dulot ng TRAIN 2 sa ekonomiya ng bansa kaya’t hamon sa kanila ito para galingan at paigtingin pa.
Gayunman, sinabi ni Lambino na may mga grupo aniyang nagsusulong ng ibang interes kaya’t gumagawa ng mga paraan at propaganda para sirain ang TRAIN 2 sa mata ng mga mambabatas.
Una rito, nagpahayag ng panlalamig ang mga senador sa panukalang TRAIN 2 dahil sa epektong idinulot naman sa publiko ng naunang tax reform measure na ipinasa ng kongreso.
Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, naramdaman nila ang pagpalag ng publiko sa TRAIN Law kaya’t posibleng mauwi na sa basurahan ang bagong tax law na isinusulong ng mga economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“So pag binanggit sa kanila yung TRAIN 2, teka muna, unang narinig ko nga doon sa isa sa mga kasama ko di ko na babanggitin kung sino pero yung ‘’oh, eh yung si ganito ng DOF eh sabi niya walang inflation, di magkakaroon,’’ ganyan ganyan, explanation niya eh nagkaroon eh. Pinangunahan niya. Sinabi niya na ganito yung mga mangyayari, hindi ganun eh. Alam mo, yung parang nadala eh. So, ganun na yung mentality ng mga kasama namin. Ang pinakamagandang mangyari diyan, kung totoo yung sinasabi nila ngayon na yung TRAIN 2 ay baliktad at ang magiging effect ay maganda sa mga korporasyon, maganda para sa mga SMEs, ang magiging maganda talaga sa kanila ron, i-esplika nila. I-esplika nila doon sa mga kasama namin”
(Usapang Senado interview)