Pagpapaliban sa pagsasara ng Tandang Sora Flyover inihirit

0
54

Inihirit ng ilang residente ng Quezon City na ipagpaliban ng isa pang linggo ang pagsasara ng Tandang Sora Flyover upang mapaghandaan ang re-routing at matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko na idudulot nito.

Itinakda sa Pebrero 23 ang flyover closure na tatagal ng dalawang taon upang magbigay daan sa konstruksyon ng MRT-7.

Gayunman, napag-alaman na hindi kinonsulta ng contractor ng MRT-7 na E.E.I ang mga barangay at homeowner na maaapektuhan ng pagsasara ng tulay maging sa planong paglalagay ng elevated u-turn slot.

Sa hearing ng House Committee on Metro Manila Development kahapon, kabilang sa mga humiling ng 1-week extension si Quezon City Councilor Precious Hipolito Castelo.

Pero nilinaw ni MMDA General Manager Jojo Garcia na malaking problema rin kung ma-de-delay ang pagpapasara sa flyover.

Samantala, sinermunan ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ang E.E.I dahil sa kakulangan ng koordinasyon nito sa mga barangay official at homeowner maging sa kabiguang maglagay ng re-routing plans.