Pagpapaliban sa eleksyon nasa Saligang Batas ng bansa —COMELEC

0
65

Pinahihintulutan ng saligang batas ang pagpapaliban sa eleksyon.

Ito ayon mismo kay Commission on Elections (COMELEC) Chairperson Sheriff Abas kung saan sinabi nito na batay sa 1987 Constitution dapat na ganapin ang regular election para sa presidente, bise presidente, at mga miyembro ng Kongreso tuwing ikalawang Lunes sa buwan ng mayo maliban na lamang kung isinasaad ng batas.

Aniya, nakatakdang ganapin ang 2022 elections sa darating na Mayo 9.

Gayunman, binigyang diin din ni Abas na sa ilalim din ng 1987 Constitution ay malinaw na nakasaad na ang termino ng lahat ng mga incumbent officials ay magtatapos din sa darating na June 30, 2022.

Sinabi ni Abas kung para lamang sa usapin ng pagpapaliban ng eleksyon ay malinaw aniya itong pinahihintulutan ng Saligang Batas, ngunit magkakaroon naman aniya ng problema sakaling ipagpaliban ito dahil malinaw rin aniya na nakasaad na kailangan nang bumaba sa pwesto ang lahat ng incumbent officials sa darating na Hunyo 30 ng taong 2022.

Gayunman, nanindigan naman si Abas na walang plano ang COMELEC na ipagpaliban ang nalalapit na halalan.

Matatandaang, iminungkahi ni House Majority Leader Mikey Arroyo ang pagpapaliban muna sa 2022 election dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19)  pandemic.