Pagpapadala ng mga scout rangers sa mga casino bunga lang ng pagkadismaya ng pangulo ayon sa AFP

0
49

Ayaw munang patulan ng AFP o Armed Forces of the Philippines ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito’y kasunod ng mga nakarating na impormasyon sa pangulo hinggil sa mga police scalawags na madalas mamataan doon para sa kani-kanilang mga iligal na transaksyon.

Magugunitang inihayag ng pangulo noong Huwebes na aatasan nito ang mga miyembro ng scout rangers ng Philippine Army na magpatrolya sa paligid ng isang kilalang casino sa Parañaque City.

Ayon kay AFP Spokesman Brig.Gen. Edgar Arevalo, posible kasi aniyang bunga lamang ng pagkadismaya ng pangulo sa mga pulis kaya niya nabitiwan ang ganoong pahayag.

Naniniwala si Arevalo na babala lamang ng Pangulo ang nasabing pahayag sa mga police scalawags na ayaw pa ring magtino sa kabila ng mga benepisyong ibingay sa kanila.

Sa panig naman ng PNP, sinabi ng tagapagsalita nitong si CSupt. Benigno Durana na matagal nang may umiiral na administrative order na nagbabawal sa mga pulis na magtungo sa mga casino.

Giit ni Durana, dapat magsilbing paalala sa lahat ng mga pulis ang naging pahayag ng pangulo na mayroon siyang mga mata na nakapaligid at tahimik na nagmamasid sa lahat ng mga kawani ng pamahalaan kabilang na ang pulis at militar

Sa huli, sinabi ni Arevalo na maghihintay lamang sila ng kautusan mula sa pangulo at handa naman silang tumalima sakaling ipag-utos nga ito sa kanila.