Paglikha inter-agency task force on federalism hudyat na seryoso baguhin ang porma ng gobyerno — DILG

0
55

Itinuturing ng Department of Interior and Local Government (DILG) na ang paglikha ng inter-agency task force on federalism and constitutional reforms sa pamamagitan ng Memorandum No. 52, ay hudyat ng pagiging seryoso ni Pangulong Rodrigo Duterte na maisulong ang federal form of government.

Ayon kay Interior Assistant Secretary Jonathan Malaya, binuo ang task force matapos ang  pagpapakilala o federalism road show ng DILG sa iba’t ibang rehiyon  katuwang ang mga kinauukulang ahensya  at  Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Sinimulan aniya ang kanilang road show sa Dumaguete at magtatapos sa pamamagitan ng isang National Federalism Summit na gaganapin sa Metro Manila ngayong buwan.

Ipinapakita lamang aniya nito na isinasaayos na ng pangulo ang lahat ng government agency upang matiyak agad na mauunawaan at matatanggap ng publiko ang pederalismo na nais ng punong ehekutibo na maipatupad ang pag-amyenda ng konstitusyon sa ilalim ng kanyang termino.