Pagkuha ng itinambak na basura sa Pilipinas minamadali na ng Canada

0
62

Minamadali na ng Canada ang proseso para makuha ang kanilang mga basurang itinambak sa Pilipinas.

Ito ang tiniyak ni Canadian Ambassador to the Philippines John Holmes kasunod na rin itinakdang deadline ni Pangulong Rodrigo Duterte para mahakot ang mga nasabing basura.

Ayon kay Holmes, mahigpit na silang nakikipagtulungan sa pamahalaan para maresolba ang usapin.

Una na rin aniya nilang inihayag na nakahanda silang kunin muli ang mga nasabing basura.

Magugunitang sa naging talumpati ni Pangulong Duterte noong Abril 23, nagbanta ito ng  giyera laban sa Canada kung hindi pa rin kukunin ang kanilang mga basurang ipinadala sa Pilipinas, anim (6) na taon na ang nakalilipas.


BOC, may 16 days na lamang para maipadala pabalik sa Canada ang mga basura

Meron na lamang labing-anim (16) na araw ang Bureau of Customs (BOC) para maipadala pabalik sa Canada ang mga basura nito na anim (6) na taon nang nakatambak sa Pilipinas.

Ayon kay Customs Spokesman Erastus Sandino, kanila nang ginagawa ang lahat ng paraan para maibalik sa Canada ang lahat ng mga container ng basura na nagmula sa nasabing bansa.

Ito aniya ay kasunod na rin ng natanggap nilang kautusan mula kay Finance Secretary Carlos Dominguez na nagsasaad ng May 15 deadline para maibalik sa Canada ang mga nasabing basura.

Mula 2013 hanggang 2014, aabot sa isang daan at tatlong (103) containers na naglalaman ng basura ang dumating sa bansa mula Canada.

Tatlumpu’t apat (34) sa mga ito ang naitambak na sa isang landfill sa Tarlac habang ang nalalabi sa mga ito ay pansamantalang naka-tengga sa Subic Port at Manila International Container Port.