Pagkakakilanlan ng nagbigay ng party drug kay Ashley Abad tukoy na

0
55

Tukoy na ng Cebu City Police Office ang nagbigay ng party drug sa 19 anyos na si Ashley Abad bago ito bawian ng buhay dahil sa drug overdose noong gabi ng Enero 19 sa Cebu City.

Ayon kay Police Regional Office-Central Visayas Chief, Dir. Debold Sinas, may malakas na ebidensya silang hawak upang kasuhan ng homicide ang hindi pa pina-pangalanang source.

Kabilang anya ang source sa pitong personalidad na inimbita nila sa imbestigasyon.

Kasama ni Abad noon ang boyfriend na si Nel Spencer Tiu at anim na iba pa nang mag-collapse ang dalaga habang nasa dance party para sa Sinulog festival.

Una nang itinanggi ni Tiu na siya ang nagbigay ng ecstasy kay Ashley.


Boyfriend ni Ashley Abad, lumutang na sa Cebu City Police

Lumutang na sa Cebu City Police Office ang boyfriend ni Ashley Abad, ang 19 anyos na medical student na namatay dahil sa drug overdose.

Personal na pumunta si Nel Spencer Tiu sa tanggapan ni Senior Supt. Royina Garma, hepe ng Cebu City Police Office noong Huwebes, Pebrero 14 upang ibigay ang kanyang panig.

Ayon kay Atty. Orlando Salatandre, legal counsel ni Tiu, hindi na hinintay ng kanyang kliyente na mag-issue pa ng subpoena ang mga otoridad laban sa kanya.

Nilinaw ni Tiu na hindi siya nagtatago at nanindigang hindi siya ang nagbigay ng ecstasy kay Abad noong gabi ng Enero 19.

Itinanggi rin ni Spencer na gumagamit o sangkot siya sa illegal drugs.


Pangulong Duterte, kinumpirmang hindi nagmula sa boyfriend ni Ashley Abad ang ecstasy na ininom nito bago namatay dahil sa drug overdose

Hindi umano nagmula sa boyfriend ng 19 anyos na si Ashley Abad ang ecstasy na ininom nito bago bawian ng buhay dahil sa drug overdose sa Cebu City noong Enero.

Ito ang kinumpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng imbestigasyon ng Cebu City Police Office sa pagkamatay ng 19 anyos na medical student.

Ibinunyag ng pangulo na mismong si Ashley ang may hawak ng droga noong gabi ng Enero 19 habang nanonood ng concert sa Sinulog festival.

Gayunman, inaalam pa anya ng mga pulis kung kanino nakuha o nabili ng biktima ang droga.

“Yung sa Cebu, pumunta dito ang nanay at tatay, and ofcourse, the loss of a beloved daughter, ang ganda pa man din ng bata. 19 years old. Medical Student. Nagreklamo sila (parents of Ashley Abad) because they want justice. Pero nakita nila nung narecover ng forensics, she was the one actually texting other girl na maghati sila doon tapos yung isa, nireserba niya para sa kanyang boyfriend. And to make a long shot guess na galing sa boyfriend, eh siya (Ashley) ang may hawak eh. Siya pa nga ang nagsabi sa text na para yun sa boyfriend.”