Pagbibitiw ni Jason Aquino muling ipinanawagan

0
73

Muling ipinanawagan ng ilang senador ang pagbibitiw ni National Food Authority Administrator Jason Aquino pati na rin ang pabuwag sa ahensya.

Ito’y makaraang isailalim sa state of calamity ang Zamboanga City dahil sa pagtaas ng presyo ng bigas.

Ayon kay Senador Bam Aquino, nananatiling bigo pa rin ang NFA na mabigyan ng solusyon ang mga isyu sa bigas sa bansa.

Giit pa ni Aquino, dapat nang tamaan ng hiya ang namumuno sa NFA dahil sa hindi matapos na problema sa bigas.

Sinabi naman ni Senador Sherwin Gatchalian na dapat nang tuluyang buwagin ang NFA dahil sa tila walang ginagawag pagkilos ng mga ito upang magampanan ng maayos ang kanilang trabaho.

Inihayag pa ni Gatchalian na ang NFA ang may pinakamalaking subsidiya na natatanggap mula sa gobyerno sa hanay ng mga government owned and controlled corporations.


DA Sec. Piñol, kontra sa panawagang pagbibitiw ni Jason Aquino

Kinontra ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang panawagang buwagin ang National Food Authority o NFA at pagbibitiw ni Administrator Jason Aquino.

Ayon kay Piñol, walang kinalaman sa namumuno sa NFA ang nangyaring pagtataas ng presyo ng bigas sa Zamboanga City.

Paliwanag ng opisyal, kaya nagmahal ang bigas sa lungsod ay dahil sa pagpapatigil ng pagpasok ng bigas mula sa Malaysia sa pamamagitan ng back door entrance.

Dagdag pa ni Piñol, ang matagal na pamamayagpag ng mga smuggled na bigas sa naturang lungsod at iba pang panig ng bansa ang siyang kikitil sa industriya ng bigas sa Pilipinas.

Giit ni Piñol, ang pagbuwag sa NFA at pagpapabitiw kay Aquino ay hindi solusyon sa mga kinakaharap na problema sa bigas.