Mabagal ang pag-usad ng ekonomiya ng Pilipinas dahil sa epekto ng mataas na inflation.
Ayon ito sa international credit rating agency na Moody’s matapos maitala ang 6.6% gross domestic product ng bansa sa ikalawang quarter ng taon.
Mas mababa ito sa naunang projection ng mga economic managers ng pamahalaan na 7.8 GDP growth.
Gayunman, sinabi ng Moody’s na nananatili pa ring matatag ang ekonomiya ng Pilipinas.
Anila, malusog ang consumer spending sa bansa dahil na rin sa matatag na pagpasok ng mga remittance mula sa mga Overseas Filipino Workers at labor market.
Una nang tiniyak ng NEDA o National Economic and Development Authority na may inilatag na silang mga safety nets para maibalik na sa normal ang halaga ng piso at inflation rate ng bansa.