P1-M pabuya vs. ex-Makabayan bloc solons isang ‘cheap political stunt’—Zarate

0
63

Tinawag na cheap political stunt ni Bayan Muna Partylist Representative Carlos Isagani Zarate ang pag-aalok ng isang milyong pisong pabuya ng grupong CCW o Citizens Crime Watch para sa pagkaka-aresto ng apat na dating Makabayan bloc congressmen.

Ayon kay Zarate, mariin nilang kinokondena ang nasabing hakbang ng CCW sa pangunguna ni Atty. Ferdinand Topacio.

Aniya, posibleng magdulot ng peligro sa buhay nina Anti-Poverty Chairman Liza Maza, dating Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano at dating Bayan Muna Partylist Representatives Satur Ocampo at Teddy Casiño ang ginawa ng CCW.

Iginiit pa ni Zarate na nais lamang ‘sumipsip’ ng grupo ni Topacio sa administrasyong Duterte para makakuha ng pwesto sa pamahalaan.

Kasabay nito, tiniyak ni Zarate na pananagutin si Topacio at ang CCW oras na may mangyaring hindi maganda sa mga dating mambabatas.