‘Oplan ligtas Sum-Vac’ inilunsad na

0
62

Inilarga na ng PNP o Philippine National police ang ‘Oplan Ligtas Sum-Vac’ o summer vacation bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga bakasyunista ngayong nalalapit na Semana Santa.

Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, ito ay bilang bahagi ng kanilang pagbibigay seguridad sa publiko sa naturang taunang aktibidad.

Pangungunahan naman ng DPCR o Directorate for Police Community Relations ang ‘Oplan Ligtas Sum-Vac 2019’ sa pamumuno ni Major. Gen. Benigno Durana kung saan magbibigay ang mga ito ng alalay sa mga motorista, road security, traffic management, anti criminality operation partikular na sa mga matataong lugar.

Ilan sa mga babantayan ng pulisya ay ang mga terminal ng bus, pantalan, paliparan, mall, simbahan at ang mga lugar na kilalang pinupuntahan ng mga lokal at dayuhang turista sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Inaasahan namang tumagal ang ‘Oplan Ligtas Sum-Vac sa muling pagbubukas ng klase sa mga paaralan, sa Hunyo.


Umapela ang PNP o Philippine National Police sa mga resort owners at event organizer ng mga isasagawang summer concerts na maging mapag-matiyag sa kanilang mga ikakasang aktibidad.

Ito ay kaugnay ng naging paalala ng PNP sa publiko hinggil sa paglulunsad ng ‘Oplan Ligtas Sum-Vac’ o summer vacation 2019 sa posibilidad ng pagkalat ng mga party drugs.

Ayon kay PNP Spokesperson Bernard Banac, maaring papanagutin ang organizers ng mga nasabing concerts sa pagkalat ng mga iligal na droga sa kanilang mga aktibidad.

Kaugnay nito, umapela rin naman si Banac sa publiko partikular na sa mga kabataan na huwag kunsintihin ang kanilang mga kakilala na lulong sa iligal na droga.

(with report from Jaymark Dagala)