Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na walang kinalaman sa mga isiniwalat ni PDEA Dir. Gen. Aaron Aquino ang pagbawi sa mga security details nito.
Ito mismo ang naging paglilinaw ni PNP Chief Police Gen. Oscar Albayalde, kung saan ang pagtanggal aniya sa 15 security details ni Aquino ay para maging dagdag puwersa sa inilatag na seguridad sa nalalapit na SEA games sa Nobyembre.
Giit pa ni Albayalde, hindi rin niya alam kung nagkaroon ng ‘special accomodation’ ang Central Luzon PNP kay Aquino na nagsilbi ring Regional Director nito bago siya naitalaga sa PDEA.
Sa ilalim kasi ng “Alunan Doctrine”, nasa dalawang (2) security details lamang ang pinapayagang ibigay sa mga opisyal ng pamahalaan.
Of course these (security details) are not sanction by the PSPG. Remember in the PNP, ang authorize lang magbigay ng security is the PSPG. Temporary lang basis yung sa PRO3 (Central Luzon police)….So on the basis dun sa SEA games na sinasabi ng RD-PRO3, pinull-out nya temporarily (ang mga security details)…Mayroon namang request si DG Aquino sa PNP and its now under process”, ani Albayalde.
Gayunman, sinabi rin ni Albayalde na batid naman nila kung gaano ka-sensitibo ang posisyon ng PDEA chief at handa naman silang pagbigyan ang kahilingan nito na ibalik ang kaniyang security details.
Sa ngayon, paliwanag ng PNP chief na kailangan muna nilang hingan ng komento si PRO 3 Director Joel Napoleon Coronel hinggil dito dahil mga tauhan niya ang ililipat upang magsilbing security details ni Aquino.
Samantala, pansamantala munang bibigyan ng apat (4) na security details si Aquino habang pino-proseso ang naturang kahilingan nito.
Temporarily, I already directed PRO3 to at least give temporary details (kay DG Aquino) kahit na apat (4) lang. Kasi remember we also follow the Alunan doctrine.. very strict din ang ating presidente dito… Baka yung iba naman sabihin ay may double standard nanaman kami with the 15 securities na nasa kanya (DG Aquino),” dagdag pa ni Albayalde.
Ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)