Naitalang kaso ng HIV nitong Setyembre umabot sa halos 1,000

0
45

Pumapalo sa halos isanlibong (1,000) kaso ng human immunodeficiency virus (HIV) ang naitala ng Department of Health (DOH) para sa buwan ng Setyembre.

Batay sa datos ng HIV-AIDS Registry of the Philippines ng DOH, nasa siyam na raan at limampu’t apat (954) ang naitalang bagong kaso ng HIV sa buwan ng Setyembre o labing anim (16) na kasong mas mataas sa naitala ng parehong buwan noong 2017.

Dalawampu’t apat (24) ang nasawi dahil sa nasabing kaso sa buwan ng Setyembre.

Dahil dito, umaabot na sa walong libo limandaan at limampu’t tatlo (8,553) ang kabuuang bilang ng bagong HIV infections mula Enero kabilang ang isanlibo limandaan at dalawampung (1,520) kaso ng AIDS kung saan apat na raan at limampu’t siyam (459) ang nasawi.

Sa naitalang HIV infections noong Setyembre, walumpu’t limang (85) porsyento o limandaan anim napu’t tatlo (563) katao ang nakakuha ng impeksyon dahil sa pakikipagtalik ng lalaki sa kapwa lalaki, dalawandaan at tatlumpu’t pito (237) ang nakipagtalik sa parehong babae at lalaki samantalang isandaan at tatlumpu’t anim (136) ang dahil sa male to female sex.

Siyam na kaso naman ay dahil sa needle sharing habang apat na kaso ay dahil sa mother to child transmission.

Pinakamataas ang bilang ng bagong HIV cases sa National Capital Region (NCR) na nasa dalawandaan at animnapu’t anim (266), ikalawa ang CALABARZON na may isandaan at apatnapu’t isa (141) at Central Luzon na may isandaan at apat (104) na bagong HIV infection.

Mula 1984 ay nasa halos animnapung libong (60,000) HIV cases na ang naitala ng DOH kung saan halos pitong libo (7,000) ang full blown AIDS at halos tatlong libo (3,000) na ang nasawi.

—-