Nagbabala ang Food and Drugs Administration (FDA) sa mga motorista kaugnay sa panganib ng pag-iimbak ng mga bote ng alkohol sa loob ng kanilang mga sasakyan.
Ito ay matapos na mag-viral sa social media ang pagsabog ng bote ng alkohol na naiwang nasa loob ng sasakyan na siyang dahilan ng pagkawasak ng salamin at pagkasira ng interior at upuan nito.
Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, ang lahat ng uri ng alcohol ay maaaring magliyab lalo na sa kung ilalagay ito sa kulob na lugar gaya ng sasakyan.
Aniya, dapat na siguraduhing mahigpit ang pagkakasara nito at iimbak sa isang lugar na ang temperatura ay hindi hihigit sa 30 °C.
Magugunitang, simula nang mag-umpisa ang pandemya marami nang tao ang nag-iimbak ng alkohol gayong isa ito sa pangunahing panlaban sa virus. Gayunman marami ring mga motorista ang nakakalimutang tanggalin ito sa loob ng kanilang mga sasakyan.