Nangangamba ang Moro Islamic Liberation Front o MILF sa posibleng pagkabalam ng implementasyon ng bagong batas na Bangsamoro Organic Law o BOL.
Ayon kay Mohagher Iqbal, chairman ng implementing committee ng 2014 MILF peace agreement, maari kasing dumulog sa Korte Suprema ang mga kritiko ng BOL para humingi ng Temporary Restraining Order o TRO.
Ginawa ni Iqbal ang pahayag sa harap ng halos 100,000 Moro people na dumalo sa isang aktibidad na ginanap sa kampo ng MILF sa Camp Darapanan, Maguindanao
Samantala, sinabi pa ng MILF official na 85% good at 15% less ang Bangsamoro Organic Law dahil hindi naman aniya nito maibibigay ang lahat ng kanilang kahilingan.
Ngunit, igiiniit ni Iqbal na aabot naman sa 55 ang kapangyarihan na ipinagkaloob sa ilalim ng BOL at magkakaroon rin sila ng otomatikong annual block grant na 70 hanggang 80 bilyong piso.
Maliban pa aniya ito sa kanilang matatanggap na 75% na kita mula sa tax at 10-year special development fund na nagkakahalaga ng 50 billion pesos na ilalaan para sa rehabilitasyon ng mga nasirang lugar dahil sa mga bakbakan.
MILF, susuyuin ang Cotabato City para mapabilang sa bagong Bangsamoro region
Samantala, sisikapin ng BTC o Bangsamoro Transition Commission na makumbinsi ang mga residente ng Cotabato City na sumali sa gagawing plebesito para sa binubuong bagong rehiyon ng Bangsamoro sa Mindanao.
Ito’y ayon kay MILF o Moro Islamic Liberation Front Peace Panel Chief Mohaguer Iqbal bilang reaksyon sa pahayag ni Cotabato Mayor Cynthia Guiani na hindi sila lalahok sa gagawing plebesito.
Kumpiyansa si Iqbal na malalampasan nila ang lahat ng mga pagsubok na hinaharap ng MILF at umaasa sila na magbabago ang paninindigan ng mga taga-Cotabato City na itinuturing na crown jewel.
Una nang inihayag ni Mayor Guiani na iginagalang naman nila ang nilagdaang BOL o Bangsamoro Organic Law ni Pangulong Rodrigo Duterte subalit iginiit niyang hindi sila magpapasakop sa bagong Bangsamoro Region.
(Jaymark Dagala)