Mga opisyal ng Kapa Ministry pinagbawalan nang lumabas sa bansa

0
40

Nagpalabas ng precautionary hold departure order ang Davao City Regional Trial Court Branch 16 laban sa mga opisyal ng Kapa Community Ministry International Incorporated.

Ito ay matapos katigan ng korte ang hiling ng DOJ o Department of Justice laban sa walong opisyal ng nabanggit na religious corporation na umano’y sangkot sa investment scam.

Ayon kay Justice Undersecretary Mark Peret, kabilang sa isinailim sa PHDO sina Joel Apolinario alyas ‘Kuya Jack’, founder ng Kapa, Reyna Apolinario, Margie Apolinario, Catherine Evangelista, Rene Catubigan alyas ‘Pastor Catubigan’, Marisol Diaz, Adelfa Fernadico at Moises Mopia.

Una na ring isinailalim sa immigration watchlist ang walo ding opisyal ng Kapa.

Magugunitang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasara sa Kapa noong nakaraang buwan.